Panalangin kay San Roque


O maawain at mapagmahal na Ama sa pamamagitan ng Anghel ay ipinangako mo kay San Roque na iadya mo ang sino mang tumawag sa kanya laban sa anumang peste at nakahahawang mga sakit.

Ipinapanalangin namin na sa pamamagitan ni San Roque ay iadya mo rin ang aming mga tahanan, barangay at pamayanan laban sa kapahamakan sa kaluluwa at katawan bunga ng COVID-19.

O kabanal-banalang San Roque, maawa ka sa mga maysakit at naghihirap bunga ng pandemyang ito. Nawa sa pamamagitan mo ay matamo nila ang kagalingan ng kanilang mga karamdaman gaya ng pagpagaling mo sa mga maysakit gamit ang Krus sa iyong dibdib.

Ngayong ikaw ay nasa langit na O San Roque, nawa’y idulog sa mo sa ating butihing Ama ang aming mga panaghoy at pagtangis at harinawa ay matamo namin ang paglakas ng aming kaluluwa at katawan habang aming pinaglalabanan ang mga pagsubok bunga ng pangkalusugang krisis na ito.

San Roque, ipanalangin mo na malayo kami sa anumang sakit sa kaluluwa at katawan bunga ng COVID-19.

Ito’y aming hinihiling sa ngalan ni Kristo, aming Panginoon, Amen.